Memories & Reflections

Home | Memories | Favorites | Leadership |Dalagang Pinay |

Monday, October 24, 2005

Ang Buhay ng Ate

Nasanay na ako sa pagiging ate; halos hindi ko na nga ito maialis sa pangalan ko. Ang totoo, malaking bahagi ng buhay ko ang gumaganap sa tungkuling ito. Sa pakiwari ko pa, doble nang karaniwang gampanin ng isang ate ang nakaatang sa aking balikat.

Maaga kaming naulila sa ina. Hindi na niya nahintay magtapos ng elementarya si Nene; nasa ikalimang baitang pa lamang siya noon. Hindi na rin niya nakita si ate na umakyat ng entablado para sa kanyang pagtatapos. Sayang, pinakahihintay-hintay pa naman niya iyon.

Kahit noong buhay pa si Nanay, ate na talaga kami; lalo na ako. Agad kong inako ang responsibilidad kahit noong mga bata pa lang kami. Kaya nga siguro nakalakihan ko na ang pagiging ate. Kahit saan ako pumunta, pakiramdam ko, ate ako ng lahat. Bata pa rin naman ako ngayon, nasa kasikatan pa ng araw, pero agad nag-mature dahil nga sa tawag ng pagkakataon.

Masaya ako sa pagiging ate; iba ang pakiramdam kapag nagagawa ko ang mga inaasahan sa akin, kahit na yung hindi ko na dapat na gawain, nasasaklaw ko pa rin. Isang salita siguro na maglalarawan dito ay sakripisyo. Ayaw ko namang lumitaw na pabigat ang mga kapamilya ko, lalo na ang mga kapatid ko, para sa akin, HINDI talaga; pero sa paningin ng iba, martir daw, kung hindi masokista, ang tawag sa akin. Naniniwala kasi ako na kung pwede namang isa na lang ang magparaya para sa ikabubuti ng lahat, iyon ang mas mainam na desisyon—at lagi kong kinukuha ang puwesto ng nagpaparaya. Maka-Andres Bonifacio din kasi ako, “Kung hindi ako, sino? Kung hindi ngayon, kailan?”

Tanggap ko na na ganito ang gampanim ko at sabi nga, ‘there’s no greater joy than giving’. Ito nga siguro ang calling ko, ang maging ate. Kung minsan nga lang, dahil na rin siguro sa dami ng mga intindihin, parang nanghihina rin ako. Pero kailangan kong maging malakas para na rin sa aming lahat.

Ang totoo ang pamilya ko ang nagpapalakas sa akin. Pero ang talagang source ng lahat ay ang Panginoon. Salamat na lang dahil kapag talagang hindi ko na kaya, pinaparamdam Niya sa akin na hindi ako nag-iisa. Pasan-pasan Niya ako.

Masarap maging ate, pero maraming responsibilidad. Lalo pa, kung wala na ang Nanay sa pamilya. Kami ng ate ko ang tumayong ina sa pamilya pagkawala ng Nanay. Shock absorber at tagapag-intindi. Ang tingin ko kasi, hindi mabuti para sa mga mas bata kong kapatid na dalahin pa nila ang hirap ng naulila sa ina. Kailangan, pagtakpan na namin ang kakulangang iyon. Hindi man sapat, makatulong man lang. Salamat talaga sa Panginoon at ibinigay Niya sa amin si Tatay. Napakabait niya at mapagmahal.

Kung kikilalanin kung sino ako ngayon, kalahati siguro o higit pa ng pagkatao ko ay imiikot sa pagiging ate. Mabuti na lang may ate rin ako.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home